Tungkol sa Akin

Aking larawan
Nueva Vizcaya, Region 2, Philippines
Maging bahagi sa pagpapaunlad ng wikang kinagisnan. Magbahagi ng iyong mga kaalaman sa anumang disiplina. Para sa atin ito!

Biyernes, Nobyembre 8, 2013

Panunuri


Isang Pagsusuri sa Maikling Kwentong
 “ Di- Maabot ng Kawalang Malay” ni Edgardo M. Reyes
ni Jennifer Lazaga*

I. Panimula

            Madalas nating marinig ang sinasabi ng maraming tao na upang maging maayos ang lahat ng mga bagay na gagawin natin ay maging mapagmasid at maalam sa lahat ng larangan.  Hindi dapat ipagwalang bahala ang mga bagay na mahahalaga bagkus pagtuunan ito ng pansin sa abot na makakaya.  Unawaing mabuti ang kalagayan at katotohanan ng mga pangyayari.

            Ngunit, paano kung di abot ng kaisipan ang tayog ng nais bigyang kahulugan?

            Si Edgardo M. Reyes ay isang kilalang manunulat na Pilipino. Marami na siyang pinagwagiang akda. Isa siyang kwentista, nobelista at makata. Sinasabing ang kanyang mga akda ay istatiko at sikolohikal. Ilan sa kanyang mga sinulat na nagwagi na sa Gantimpalang Palanca ay ang nobelang “ Sa Mga Kuko na Liwanag” at “ Laro sa Baga”.

            Ang kanyang maikling kwentong “Di- Maabot ng Kawalang- Malay” ay isa rin sa mga nagwagi sa Gantimpalang Palanca.  Nagkamit ito ng unang gantimpala sa nasabing patimpalak noong taong 1959-1960. Ang maikling kwentong ito ay hinggil sa dalawang batang babae na walang alam ( inosente) sa buhay. Sa kanila umiikot ang kwento. Ang di nila lubos na pagkaunawa sa katotohanan ng buhay ay isang napakagandang suriin upang maunawaan ang masalimuot  na buhay ng tao.

            Narito ang katangiang pampanitikan ng maikling kwentong “Di- Maabot ang Kawalang- Malay”:

Anyo ng panitikan:                  Tuluyan. Ito ang naisulat sa katutubong daloy ng pangungusap.

Uri ng panitikan:                      Maikling kwento

Paksa:                                     Inosenteng pagtanaw sa inosenteng pananaw ng dalawang  batang sina Ida at Emy ukol sa mga pangyayari sa kanilang paligid.

Tunggalian:                             Ang pagpasok ng Ina ni Ida sa ganoong uri ng trabaho (prostitusyon) dahil sa karamdaman ni Obet at dahil na rin sa kahirapan ng buhay.

Istilo:                                        Ang pagkakagamit ng mga salitang karaniwang ginagamit ng mga bata.

Kasukdulan:                            Ang pagmamadali ni Ida na makarating sa tahanan nina  Emy upang ibigay ang usang supot ng pansit.

Kakalasan:                              Ang pagdating ng Ina ni Ida na may dalang gamot at pagkain para sa kanila.

Wakas:                                    Si Ida ay nadapa at ang supot ng pansit ay sumambulat sa may lubak sa kanal.


II. Katawan ng pagsusuri

            Buod

            Sa isang bakuran naglalaro ang dalawang batang babae. Sila ay sina Emy at Ida. Magkasinggulang sila. Si Ida ang taya.   Tahimik niyang hinahanap si Emy. Nang matagpuan niya si Emy, naisipan ni Ida na umuwi na dahil walang nagbabantay sa kanyang kapatid na may sakit. Sumama si Emy kay Ida sa kanyang pag-uwi. Naisip nila na sa bahay na lang nina Ida maglaro upang Makita si Obet- ang kapatid ni Ida. Tinanong ni Ida kung hindi ba siya hahanapin si Emy ng kanyang mga magulang. Nabanggit ni Emy na nasa sugalan ang kanyang ina.
           
            Sa barungbarong na bahay nina Ida, nadatnan nila si Obet na tulog pa. Minabuti nila na magkwentuhan muna sa may hagdanan.

            Sa kanilang pag-uusap, nalaman ni Emy na patay na ang tatay ni Ida.  Ito ay isang pulis. Naikwento naman ni Emy kay Ida na pinag-uusapan sa may tindahan ang ina ni Ida. Maganda raw ang kanyang ina at nagsusuot ng magagandang damit sa tuwing lumalabas ng kanilang bahay. Ayon kay Ida, minsan ay umuwi ang kanya ng ina na may dalang maraming pera kaya naipagamot si Obet noong may sakit ito.

            Dumating ang gabi at nagpaalam ng umuwi si Emy dahil nagugutom na siya. Gutom na rin noon si Ida sapagkat isang pandesal at lugaw lang ang kanyang kinain buong maghapon.

Naghintay si Ida sa pagdating ng kanyang ina. Sabik na sabik siyang sumalubong nang dumating ang kanyang ina. Ang kanyang ina ay may dalang pagkain, at gamot para kay Obet. Dahil sa labis na pagkagutom, nilantakan ni Ida ang pansit na dala ng kanyang ina.

Malungkot ang kanyang ina habang pinagmamasdan siyang kumakain. Naaawa siya sa hirap ng kanilang kalagayan. Hindi naubos ni Ida ang pansit kaya naisipan niyang magpunta kina Emy upang ipakita na kahit papaano ay kumakain din sila ng pansit. Nagpaalam siya sa kanyang ina upang dalhin ang pansit sa bahay nina Emy.

Sa kanyang paglalakad sa madilim at makitid na daanan, nagkatisud-tisod siya hanggang sa tuluyang madapa at sumambulat ang pansit na humagis pakalat sa may lubak sa kanal.



  Pagsusuring Pormalistiko
           
            Naging kawili-wili ang pagsisimula ng kwento dahil simula pa lang, naipakita na ng awtor ang katunayan ng kanyang pamagat na “Di- maabot ng Kawalang  malay” sa pamamagitan ng mga tauhang naglalaro na sina Emy at Ida.  Sila ay tunay na larawan ng “kawalang malay” na ang tanging hangad ay maglaro at tumawa.  Maayos din ang pagtatapos ng kwento dahil ito ay isang bukas na pagtatapos (open-ended). Ang pagsambulat ng pansit ay isang palaisipan na sa musmos na pag- iisip ng mga bata ay walang ngang mahalaga sa kanila kundi ang maipakita sa iba kung ano ang mayroon sila at kung ano ang maaari nilang gawin sa mga bagay na mayroon sa kanila.  Hindi na nila iniisip kung saan galing ang mga bagay na ito na nasa kanila.

Maiiwan sa mga mambabasa ang malungkot na pakikiramay ng mga tauhan sa kwento. Awa o pagkahabag kay Obet ang maiiwang bisa sa damdamin, dahil naman binanggit sa kwento kung gumaling ba siya o hindi.

            Ang mga salita o dayalogong ginamit sa pag-uusap ng dalawang bata ay karaniwang ginagamit ng mga batang nasa edad nina Emy at Ida. Naging mabuti ang pagkakagamit nito sa maikling kwento dahil ang paraan ng pagkakasulat ng mga ito sa akda ay nagsasaad na ang mga pangunahing tauhan sa kwento ay mga bata. Sa paraang ito, nakatutulong sa mga mambabasa ng akda upang iakma o ilagay nila ang kanilang sarili at damdamin sa nilalaman ng kwento. Ang pagkakagamit at ang mga ginamit na salita ay naglalarawan ng kawalang-malay at kainosentehan ng mga bata. Halimbawa ay ang mga salitang “ewan” at “di ko laan” na dapat sana’y “ hindi ko alam”. Isa pang patunay, tungkol sa pangungulila sa ama na maagang namatay, si Ida ay nagpapaalala sa mga mamababasa ng mga katotohanan ng buhay na kahit tila musmos ang istilo ng pagsasalita niya ay naroon ang mensahe; na mahirap mawalan ng isang ama. Sa kabuuan, ang kwento ay sumsalamin sa kasalukuyang mga nangyayari sa ating paligid at ibig ipakahulugan sa mga mambabasa tungkol sa kamalayan sa ating mga pamumuhay.

            Kung susuriin pang mabuti ang akda, mapapansin na hindi ito ginamitan ng anumang matatalinghagang pahayag o anumang tayutay sa paglalahad ng mga pangyayari.  Bagkus, ginamitan ito ng mayamang talasalitaan tulad ng talaksan, nangingipapal, tiklis makutim at iba pa.  Magpagayunman, lalo namang ikinaganda nito ang hindi paggamit ng mga pahayag na matalinghaga at tayutay dahil sa paraang ito lamang maipaparamdam ang “mundo” ng mga batang pangunahing tauhan—karaniwan ang mga salitang ginagamit sa usapan at kung ano ang maisip ay iyon lamang ang sasabihin.  Naging mabisa rin ang mga paglalarawang gunamit sa kwento.  Ang mga salitang, bilugang mata, makutim na damit, tumaas- bumaba ang manipis na dibdib.  Sa pamamagitan ng mga salitang ito ay nagkaroon pa ng malawak na pagtingin ng mga mambabasa sa mga nangyayari sa kwento.


  Pagsusuring Panlipunan
           
            Pamilya ang pinakamaliit na bahagi ng isang lipunan.  Mahalaga ang pamilya sa pagbuo  ng isang lipunan.  Ang lipunang ginagalawan ng tao ay samu’t sari.  Magkakaiba sa napakaraming dahilan depende sa uri ng mga taong nakatira dito.  Mapalad ang isang pamilya kung ang lipunang kinabibilangan nila ay kasama sa masasabing may maalwang buhay.  Isang lipunang, masinop, malinis at payapa.  Kaawa- awa naman ang mga tao sa lipunan na mamumulat sa isang magulo, marumi at mapanganib na lipunan.

Sa kasalukuyang panahon, marami ang kabilang sa pangalawang uri ng lipunan.  Isang lipunan na kung minsan ay siya pang bumibiktima sa mga nakatira dito.

            Ang maikling kwentong ito ay may malaking impluwensya sa moralidad ng isang tao, gayundin  sa pakikitungo sa lipunan. Ang lipunang ginagalawan ng dalawang bata sa kwento ay makatotohanan. Ganito ang paglalarawang ginamit ng awtor upang maipakita ang lipunang ginagalawan ng mga tauhan sa kwento:

            “ Nagpako ang tingin sa dram ng tubig sa  may gripong labahan, sa yerong nakatabing sa naglalawa at mabahong pusalian, sa tabinging tiklis na tapunan ng mga basurang nilalangaw sa gilid ng eskinita, sa matayog na poste ng ilaw  sa labas ng bakod na alambreng may tinik .”

            Ito ay katulad ng mga larawang nakikita ngayon sa kamaynilaan,ganoon na rin sa ilang mga probinsya sa kasalukuyan.

            Sa paglalarawan ng kapaligiran na kanilang ginagalawan, masasabing sila ay nakatira sa pook- iskwater. Ang kathang ito ay salamin ng mga nagaganap sa totoong buhay lalo na sa mga pook ng mga dukha at iskwater.

            Larawan ng kahirapan ang ipinakikita sa kwento na katulad- na katulad ng marami sa mga lugar sa Pilipinas sa kasalukuyan--  maraming bata, marumi ang paligid, kulang sa pagkain at idagdag pa ang kaguluhan ng lugar.

            Tiyak ang usaping nais ilantad ng maiking kwento.  Usaping mahirap at mayaman.  Usapin sa kawalan ng pagkakapantay- pantay.  Minsan maiisip ng tao kung bakit habang nagpapakaligaya ang iba sa kagandahan ng buhay ay lunod na lunod naman ang marami sa kahirapan.  Ito ay isang usapin na dapat mabigyan ng kahulugan at maliwanagan sa kasalukuyang buhay ng tao.

            Ngunit ano ang mga dahilan kung bakit ang isang tao ay nasasadlak sa kahirapan ng buhay?  Sanhi ba ito ng mismong lipunang kanyang ginagalawan?  O sanhi ng hindi paghahanap ng tao ng kanyang mabuting kabuhayan?

            Kung bibigyan ng kahulugan ang isang bahagi ng kwento, bagamat hindi tuwirang sinabi ng manunulat kung ano ang trabaho ng nanay ni Ida ay mahuhulaang siya ay isang babaeng nagbibigay- aliw kapalit ng salapi. Binigyang diin ito sa pamamagitan ng pahayag ni Ida na:

“tuwing umaalis ang aking ina kagaya nang unang magkasakit si Obet, nang magbalik ay may pera na sila at naipagamot nga si Obet.”

            Sa panahon ngayon laganap na ang prostitusyon dahil sa hirap ng buhay.  Marahil ay nagawa lamang ng nanay ni Ida na pasukin ang ganong uri ng trabaho dahil hindi nakapagtapos ng pag-aaral.  Minsan kahirapan ang sinisisi kung bakit ang isang tao ay nasasadlak sa ganitong uri ng trabaho.  Marahil, totoo rin naman ang sinasabi ng marami sa kasalukuyang panahon, patuloy ang pagdami ng tao.  Ika nga nila’y may “population boom”.  Dahil dito ay hindi na nakasasapat ang pagkain dahil ang dating mga sakahan ay tinayuan na rin ng mga barungbarong o kung hindi man ay mga malalaking pabrika.  Hindi makahanap ang marami ng trabahong makasasapat para sa araw- araw nilang panganagilangan kaya’t naghahanap ng iba pang alternatibo.  Kaya ang pinakamabilis na paraan ay ang “pagbebenta ng laman”.  Hindi na iniisip ang karangalan ng sarili mairaos lamang ang pang- araw- araw na pangangailangan.

            May implikasyon ito sa kasalukuyang pamumuhay ng mga Pilipino, “kapit sa patalim” dahil sa kahirapan. Ang mga babaeng labis ang kahirapan ay talagang napipilitan ng pumasok sa ganitong uri ng trabaho upang masuportahan ang kanilang pamilya.

            Ang katulad ng mga pangyayari sa kwentong ito ay hindi rin nalalayo sa kasalukuyang buhay natin ngayon.  Sadyang mahirap ang buhay kaya marami ang patuloy na naghahangad ng kaginhawaan at lahat ng paraan ay maaari nilang pasukin.  Biktima ng pangangailangan ang ina ni Ida.  Katulad siya ng mga babae na naghahanapbuhay sa gabi upang may pantawid- gutom.  Kahirapan ang totoong dahilan kung bakit lalong dumarami ang mga nasasadlak sa ganito “karuming’ trabaho ng mga kababaihan.

            Isama na rin ang mga dahilan katulad ng kakulangan sa napag- aralan, problemang pampamilya kakulangan sa trabahong maaaring mapasukan.  Ang lipunan natin sa kasalukuyan ay hindi nalalayo sa ginagalawan ng mga tauhan sa maikling kwento.  Ang umpukan ng mga tao sa isang lugar upang magkwentuhan imbes na magtrabaho, ang pagdami ng mga taong walang matuluyan, ang pagkain ng isa hanggang dalawang beses lamang sa isang araw, mga batang sa murang gulang ay hindi na pumapasok sa paaralan at marami pang iba.  Lahat ng ito ay tagapaghatid ng isang kaisipan na “hindi maabot ng kawalang malay”

            Maraming programa ang kasalukuyang pamahalaan ang ipinatutupad upang malutas ang ganitong suliranin sa lipunan.  Ilan sa mga ito ay ang patuloy na magtawag ng TESDA ng mga kababaihan at kalalakihan upang magsanay para sa kanilang kabuhayan.  Ngunit ilan ang tumugon at nagpatuloy?  Taun- taon, nagkakaroon ng “Job Fair” mabigyan ng trabaho ang mga mamamayan gayunpaman ilan lamang ang tunutugon dito.  Isang dahilan kung bakit at dahil hindi naman nagtutugma ang napag- aralan ng isang aplikante sa trabahong kailangan.  Maliban pa rito marahil isa pang dahilan ay ang hindi sapat na pinag- aralan ng mais magkatrabaho.  Ano ang mangyayari sa mga hindi makakapasok sa trabaho?  Maghihirap at maghahanap ng ibang mapagkakakitaan.
             
            Marahil ay pinakamabisa pa rin ang pagtitiyaga upang makapaghanap ng marangal na trabaho.  Kung hindi man makahanap ay maging matalino sa pag- iisip kung ano ang maaaring pagkakitaan na hindi naisasaalang- alang ang sariling karangalan.  Hindi lamang sana makalimot sa Panginoon sapagkat Siya pa rin ang pinakahuling sandalan ng bawat taong nakikipagbuno sa marahas na lipunan ng tao.  Isaisip palagi na “Nasa Diyos ang awa; Nasa tao ang gawa.”



   Pagsusuring Moralistiko

            Malinaw na nailahad sa kwento ang moralidad o aral na ipinahihiwatig  nito.

            Una, kaugnay ng kwento, may mga magulang na sadyang pabaya sa tahanan. Tuloy napapabayaan ang mga anak nila dahil sa paglalaro ng baraha o pagsusugal.    Masasabing kahit mahirap na nga ang buhay ay nagsusugal pa rin ang mga tao. Mahilig silang makipagsapalaran at umaasa na lang sa swerte.  Ang salaping hindi pinagpapaguran ay madaling mawala, at ang salaping galling sa sariling pawis ay naibibili nang tama.

            Pangalawa, ang matinding lungkot sa mukha ng ina habang kumakain ng pansit si Ida ay palatandaan ng pagkaawa niya sa anak.  Ang papel na ginagampanan ng ina sa paghahatid ng mensahe ay epektibo.   Kahit hindi siya gaanong nagsasalita ay naiparating niya sa mga mambabasa ang paghihirap ng kanyang kalooban dahil sa dinaranas ng mga anak.  Maaari ring napipilitan lamang magtrabaho ng ganoong uri ng trabaho dahil sa tindi ng pangangailangan at sa kanyang pagmamahal sa kanyang anak.  Gayunpaman, ang ginawang paraan ay hindi pa rin naman sagot upang gumawa ng hidi mabuti o pasukin ang isang trabaho na lihis sa karapatang pantao at pansarili.

            Hindi kailangang maging bata upang maiwasan ang ganitong pangyayari dahil sa kasalukuyan at totoong buhay nangyayari ang mga ganitong pangyayari. Kailangang maimulat sa mga kabataang ang ganitong uri ng pamumuhay upang magsilbing hamon upang magpursigi sa pag-aaral dahil sa panahon ngayon, mahirap ang walang tinapos na kurso. Sana ay gabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak tungo sa magandang kinabukasan.

            Kung bakit marami ang mga taong nagbebenta ng sariling laman para mabuhay ay isang usapin ukol sa moralidad.  Hindi tama na gamitin ang sarili kapalit ng salapi.  Hindi wasto ang “Kalakal sa laman” na sinasabi ng isang programa sa telebisyon.  Ang kahirapan ay hindi dahilan upang ang sarili ay dungisan.  Maraming maaaring gawin na higit na marangal kaysa ikalakal ang sarili.  Maging matalino sa pagpapasya.  Bigyan ng respeto ang katawan na “hiram” lamang ng tao sa Diyos.


III. Pangwakas

            Naipakita ng awtor ang tunay na kagandahan ng maikling kwento sa pamamagitan ng mabisang paghahatid niya ng mga damdamin katulad ng lungkot.   Ang mensahe ng kwento ay tungkol sa “kawalang –malay” ay ukol sa dignidad at katayuan sa buhay ng mag- iina.   Masasabing ito’y sumasalamin sa totoong buhay dahil nailarawan nito nang mabuti ang sa kahirapan sa buhay-  mga taong nakatira sa mga barungbarong, pagkakasakit o malnutrisyon, kawalan ng sapat na edukasyon, laganap na prostitusyon at marami pang iba.   Ang akda ay  isang mabuting halimbawa upang himikayat ng mabuting inspirasyon na kailangang maging mabuti sa sarili at kailangang magsikap upang makamit ang hangad sa buhay.  Sa pagsisikap ay kailangang gumawa ng mabuti at huwag pasukin ang isang uri ng gawain na makasisira sa sarili at sa kapwa.  Hindi natin maiiwasang “kumapit sa patalim” alang-alang sa ating mga mahal sa buhay. Ngunit anu’t ano pa man, lagi sana nating tandaan na maraming paraan upang kumita ng salapi.

Ilan sa mga dahilan kung bakit dapat hangaan ang may- akda nito ay dahil binigyang diin ang pagpapahalaga at mga pananaw sa mga bagay- bagay na nangyayari sa ating buhay. Hindi lamang ng kahulugan ng teksto ang binigyang diin at pansin kundi pati ng kahulugan ng buhay.






* Nasa ikalawang taon sa pag- aaral ng kursong BEED- GEE (SY 2008-2009).  Nagtapos ng 9 units na asignaturang Filipino sa kolehiyo bago kumuha ng Kontemporaryong Panitikan,.

1 komento:

  1. nais ko pong makakuha o makabasa man ng buong storya ng kwentong ito, may makikita ba ako nito sa internet? kasi puro buod lang ang aking nakikita. At kung sa aklat kaman nag basa nito maari mo bang ibahagi kung ano ang pamagat ng aklat na ito. KINAKAILANGAN KULANG PO ANG KOPYA NG BUONG KWENTO SALAMATTTT.

    TumugonBurahin