Tungkol sa Akin

Aking larawan
Nueva Vizcaya, Region 2, Philippines
Maging bahagi sa pagpapaunlad ng wikang kinagisnan. Magbahagi ng iyong mga kaalaman sa anumang disiplina. Para sa atin ito!

Linggo, Disyembre 1, 2013

Research Samle 2

KABANATA 1
Introduksyon

            Ang panitikan ay kaakibat na ng ating buhay.  Araw- araw tayong bumabasa at sumusulat.  Minsan naman ay nanonood tayo ng mga pelikula o mga palatuntunan sa entablado.  Ang mga ito ay bahagi na ng ating buhay.  Ayon kay Lorenzana (2005), ang panitikan ay salamin ng kultura ng pangkat na nagmamay-ari ng mga akda. Sa mga akdang pampanitikan nakikita ang mga sitwasyong nagpapakita ng tunay na kaganapan sa buhay. Minsan, ang mga pangyayari sa akda ay kinuha mula sa mga tunay na pangyayari sa buhay at kung minsan, ang tao na rin ang lumilikha ng mga pangyayaring tinatalakay sa akda bilang pagpapaliwanag ng mga bagay-bagay at pangyayaring mahirap maunawaan o tanggapin kaya. Ang panitikan ay yaong walang kamatayan, yaong nagpapahayag ng damdamin ng tao bilang ganti niya o reaksyon sa kanyang pang- araw- araw na pagsusumikap upang mabuhay at lumigaya sa kanyang kapaligiran at gayundin sa kanyang pagsusumikap na makita ang Maykapal. Binanggit ni Dinglasan (2004) na ang panitikan ay maayos at makabuluhang pagpapahayag ng damdamin at paniniwala ng tao, pasalita man o pasulat hinggil sa mga bagay-bagay na may kaugnayan sa kanyang sarili o sa pakikitungo sa kapwa . 

Sa aklat na Panitikang Filipino nina Salazar  (1995),  tinalakay na ang panitikan ay ang kasaysayan ng kaluluwa ng mga mamamayan. Dito nasasalamin ang mga layunin, damdamin, panaginip, pag-asa, hinaing at guniguni ng mga mamamayan. Ang mga ito’y  nasusulat o binabanggit sa maganda, makulay, makahulugan, matalinghaga at masining na pahayag. Hindi lamang lumilinang ng nasyonalismo ang panitikan kundi ito rin ang nag-iingat ng mga karanasan, tradisyon at mga mithiin ng bawat indibidwal. Hinuhubog sa panitikan ang kagandahan ng kultura ng bawat lipunan.

Malaki ang nagawang impluwensiya ng panitikan sa kasaysayan ng daigdig ayon kay Salazar. Ito ay may dalang mahahalagang impluwensiya sa buhay, kaisipan at ugali ng tao sa   dalawang kalagayan. Ang una ay nagpapaliwanag ito sa kahulugan ng kalinangan at kabihasnan ng lahing pinanggalingan ng panitikan; at ikalawa ay nagiging dahilan ito upang paglapitin ang mga damdamin at kaisipan ng mga tao sa sandaigdigan at sila’y nagkakaunawaan at nagkakatulungan.

            May dalawang anyo ang panitikan, ang  tuluyan at patula. Ang tuluyan ay mga akdang nasusulat sa karaniwang takbo ng mga pangungusap samantalang ang patula ay mga akdang nasusulat sa paraang may sukat o bilang ng mga pantig, tugma at aliw-iw.         Ang bawat anyo ay may iba’t ibang uri na maaaring mapaghalawan ng mga pagpapahalagang pantao at pangmoralidad. Ayon kina Rubin (2005), ang tuluyang anyo ng panitikan ay nagpapahayag ng mga salitang isinasaayos sa mga talata. Kabilang sa tuluyan ang mga alamat, pabula, dagli, dula, salaysay, maikling kwento, nobela atbp. Samantalang ang patulang anyo ay nagpapahayag sa pamamagitan ng salitang isinasaayos sa mga taludtod. Kabilang sa tula ang mga liriko o pandamdamin kasama na ang mga awit, kurido, soneto, oda dasal at atbp.

Ang mga salawikain ay pasalitang panitikan na nasulat sa anyong patula.  Ang salaikain ay mga sinauna o katutubong anyo ng mga patulang anyo ng panitikan. Ayon kina Sauco (2004), ang mga salawikain ay mga butil ng karunungang hango sa karanasan ng matatanda, nagbibigay ng mabubuting payo tungkol sa kagandahang asal at mga paalala tungkol sa batas ng mga kaugalian. Patalinghaga ang mga nilalaman ng mga ito at pasalin-salin sa bibig ng mga tao. 
           
            May mga katutubong salawikain mula sa iba-ibang katutubong pangkat sa Pilipinas.  Dahil dito hindi lahat ng mga salawikain ay nauuanawaan ng mga tagabasa at sanhi nito ay maaring magkaroon ng suliranin sa pagpapaunawa ng kahulugan ng mga ito kung ang mga nabanggit na salawikain ay nasusulat sa iba- ibang lenggwahe.  Kaya naman, kailangang maisalin ang mga salawikain upang higit na maunawaan ang mga ito.
 Ayon kay Santiago (1976), ang pagsasaling- wika ay ang paglilipat ng mensahe mula sa isang wika tungo sa ibang wika ay maari ring ituring na isang syentipiko o maka-agham na paglalarawan. Ito ay isang kakayahang dapat malinang sa bawat indibidwal lalo na sa mga mag- aaral.  Sa pamagitan nito higit na maipararating ang mga ideya, saloobin o damdamin hinggil sa isang paksa o isyu.
May dalawang uri ng salin - literal at malaya.  Ayon kina Batnag at Petras (2009), ang literal na pagsasalin ay ang pagtutumbas ng orihinal na wika sa pinakamalapit na istrukturang gramatikal ng tagatanggap na wika. Samantala, ang malayang pagsasalin naman ay ang pagsasalin na may partikular na pag- unawa sa mensahe at isinasalin na wika. 
Ang pagsasaling- wika ay kinasasangkutan ng dalawang magkaibang wika.  Source language ang tawag sa wikang isinanasalin.  Target language naman ang tawag sa wikang pinagsasalinan.  Kung ang mga katutubong salawikain ay malilikom at maisasalin nang mahusay, ang  mga ito ay lubos na mauunawaan ng higit na nakararami at lubos na mapapahalagahan ang mga ito.

Bagamat hindi rin sapat na ang mga salawikain ay maisalin lamang upang maunawaan. Higit na mahalaga na masuri ang mga nilalaman nito dahil isang napakahalagang layunin ng panitikan ang maikintal ang mga kahalagahang pantao ng mga ito lalo na sa aspektong   pang moralidad.  Kaya, nararapat lamang na masuri rin ang mga katutubong salawikain sa moralistikong dulog.
Ayon kay Shandy (2007), ang dulog moralistiko ay naglalahad ng iba’t ibang pamantayang sumusukat sa moralidad ng isang tao – ang pamantayan ng tama at mali. Inilalahad din nito ang mga pilosopiya o proposisyong nagsasaad sa pagkatama o kamalian ng isang kilos o ugali ayon sa pamantayang itinakda ng lipunan. Sa madaling sabi, ang moralidad ay napagkakasunduan ayon na rin sa kaantasan nito.
Binanggit din ni Belvez (2000), na hindi sapat na maipakita at mapatunayan kung bakit at paano naging masining at malikhain ang isang akda kundi, higit na kailangang ipakita ang pamantayang moral na nakapaloob sa akdang sinusuri. Idinagdag pa niya na sa ganitong pagdulog, ang panitikan ay pinag- aaralan at ginagamit bilang instrumento ng pagbabago ng tao at maging ng lipunan. Binibigyang- diin sa pagdulog na ito ang layuning dakilain at pahalagahan ang kabutihan at itakwil ang kasamaan.
            Sa liwanag ng mga inilahad, nararapat lamang na pagtuunana ng pag-aaral ay pananaliksik ang mga iba’t ibang salawikain sa iba’t ibang pangkat sa pilipinas upang higit nating maunawaan ang bawat isa.

Ang panitikan, pagsasalin at pagsusuri ay mga larangan ng kaalaman na magkakaugnay- ugnay at nararapat pag- aralan.

PAGLALAHAD NG SULIRANIN
            Isinasagawa ang pag-aaral na ito upang sagutin ang mga sumusunod na tanong.
1.      Anu-ano ang mga salawikain ng mga katutubong Ilokano sa Barangay Bascaran, Solano, Nueva Vizcaya?
2.      Anu-ano ang mga salin ng mga salawikaing Iloko sa Filipino?
3.      Ano ang mga pagpapahalagang pangkatauhan at pangmoralidad  na nakapaloob sa mga salawikain?


KAHALAGAHAN NG PAG-AARAL
            Ang paglikom, pagsasalin at pagsusuri ng mga salawikaing Iloko ay nararapat pagtuunan ng pansin sa pananaliksik at pag-aaral dahil sa kahalagahan nito sa mga sumusunod:
           
Mga mag-aaral sa sekondarya at tersyarya. Sa pamamagitan ng pag-aaral na ito    magkaroon sila ng kaalaman tungkol sa salawikaing Iloko ng mga Ilokano  sa Barangay Bascaran. Mapapalawak at mapapalalim ang paglinang ng kanilang karakter bilang indibidwal.

            Mga guro, lalo na ang mga gurong nagtuturo ng panitikan dahil ang mga salawikaing Iloko na nasuri sa paraang moralistiko ay makatutulong din sa kanilang pagtuturo ng pagpapahalagang pantao. Maipakikilala, mapalalawak o mapagyayaman nito ang kaisipan at karakter ng  mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga sariling salawikain.

            Mga mananaliksik, dahil ang mga malilikom na datos tungkol sa mga salawikaing Iloko ng Barangay Bascaran na masusuri sa paraang moralistiko ay makatutulong upang lalo pang mapayaman at mapalawak.  Sa pamamagitan nito ay mas marami pang mga mananaliksik ang makapagpapatuloy upang pag- aralan ang mga salawikain.

SAKLAW AT LIMITASYON NG PAG-AARAL
            Saklaw ng pag- aaral na ito ang pagtukoy sa mga salawikain ng mga katutubong Ilokano edad 60- 80 na nakatira sa Brgy. Bascaran, Solano, Nueva Vizcaya. Ang mga katutubong nabanggit ay iyong mga tumira sa nasabing lugar ng lima (5) o higit pang taon. Saklaw din nito ang pagsasalin ng salawikain mula sa wikang Iloko (source language) tungo sa Filipino (target language).  Susuriin din ang mga salawikaing naisalin upang matukoy ang mga pagpapahalagang moral na nakapaloob sa mga salawikain. Kabilang ang anim (6) na purok sa Brgy. Bascaran, Solano, Nueva Vizcaya.

            Isasagawa ng mga mananaliksik ang pagsasalin ng mga salawikain gamit ang literal, Malaya o idyomatikong pamamaraan ng pagsasalin. Ibabatay ng mga mananaliksik ang pagsasalin sa pagpapaliwanag na gagawin ng mga impormante sa kanilang salawikain.

BALANGKAS KONSEPTWAL
            Ang pag-aaral ng panitikan ay bahagi na ng kurikulum na dapat sundin. Ginagamit ang balangkas konseptwal upang lalong maintindihan o mapagsususunod-sunod ang mga gagawin.


KAHULUGAN NG MGA KATAWAGAN
Ang mga sumusunod na salitang ginamit sa papel na ito ay binigyang- kahulugan para sa ikalilinaw ng pag- aaral:
Panitikan. Ito’y pagpapahayag ng damdamin at kaisipan ng isang tao sa lipunan, sa pamahalaan,  sa kapaligiran, sa kapwa at maging sa Dakilang Lumikha (Santiago, 1980).
Mga kalipunan ng mga nasulat na akda. Maaaring Tuluyan o Patula.
Tuluyan. Ito ay naisulat sa karaniwang daloy ng pangungusap.
Patula.  Ito ay nasusulat sa paraang may sukat o bilang ng mga pantig, tugma at aliw-iw.
Salawikain. Mula sa mha pasalitang panitikan sa anyong patula. Ito ay mga bibig na nagsasaad ng matandang kaugalian,asal at gawi ng pinagtanungan.
Pagsasaling- wika. Ito’y paglilipat sa pinagsasalinang wika ng pinakamalapit na katumbas ng diwa o mensaheng isinasaad sa wikang sinasalin (Santiago, 1997).
Ito’y paglilipat ng isang  nakasulat na mensahe mula sa isang wika tungo sa ibang wika (Newmark, 1988).
Pagsasalin ng pinakamalapit na kahulugan ng mga salawikain mula sa wikang Iloko (source language) sa wikang Filipino (batay sa Tagalog, target language).
Malayang Pagsasalin. Pagsasalin na may particular na pag-unawa sa mensahe at isinasaling wika. Binabago ang pang- ibabaw na katangianng pahayag at pinananatili lamang ang mas malalim na lebel ng kahulugan.
Literal na Pagsasalin. Pagtutumbas ng orihinal na wika sa painakamalapit na istrakturang gramatikal at tagatanggap na wika.
Pagsusuring Moralistiko. Teoryang pampanitikan na ang sinusuri ay nakatuon sa kaasalan, kaisipan at damdamin ng mga tao.
Iloko. Ang lenggwahe ng mga katutubong Ilokano.
Ilokano. Tawag sa mga katutubong nakatira sa Bascaran.
Target Language. Tawag sa wikang pinagsalinan.
Source Language. Tawag sa wikang isinasalin.
Kaasalan. Nakapokus lamang sa Asal.


2 komento: