Isang halimbawa ng Sosyo- politikal - kultural na papel.
Ang sanaysay ay may karapatang pagmamay- ari ng blogger.
MACHISMO: Dis- ilusyon ng Pagkalalaki
Rodelio C. Gauuan
Ang paglikha ayon sa
bibliya, mula sa ikalawang kapitulo ng Genesis ay naglalaman ng pangunahing
kaisipan na ang unang tao ay si Adan. Si Adan ay nagmula sa alabok ng
lupa. Sunod na nilikha ang unang babai at
ito ay si Eba na mula sa tadyang ni
Adan. Binabanggit ng bibliya na dalawang
kasarian lamang ang nilikha sa sanlibutan – isang lalaki at isang babai. May tiyak na ginampanang papel ang lalaki
gayundin ang babai.
Kasarian at sekswalidad
Sa kontekstong sosyal ng
kasalukuyang panahon, madalas na naipagkakamali ang kahulugan ng kasarian at
sekswalidad. Ayon kay Bartle (2013) at
sa paliwanag mula sa artikulong inilathala de Guzman (2015), ang kasarian ay
nahahati sa mga babai at lalaki. Ang lalaki
at babai ay natutukoy sa pamamagitan ng anatomya at sa biological inheritance na katangian ng isang tao. Ang sekswalidad
naman ay ang self-representation ng
isang tao. Ibig sabihin, kung paano
nakita ang kanilang mga sarili. Ang sekswalidad ng isang tao ay maaaring maging
sa 'babai' ngunit maaaring makilala bilang ‘lalaki’.
Ang iba’t ibang bansa na
may iba- ibang kultura, may tradisyunal na paniniwala na nagpapaiba sa pagiging
lalaki at babai. Iba- iba rin ang
pagtingin sa sekswalidad. Ito ay
nagdudulot ng magkaiba- ibang pagsipat o konteksto sa kahulugan ng ‘pagkababai’
at ‘pagkalalaki’.
Konteksto ng
pagkalalaki
Ano
ba ang batayan ng pagiging lalaki? Ang machismo ay ang pagiging lalaki. Tukuyin man ito bilang kasarian o
sekswalidad, ang lalaki ay lalaki. Ang
konteksto ng pagiging lalaki na kilala ng marami ay ang pagiging malakas at may
matipunong hubog. Maikli kung magsalita
at may matatag na paninindigan. Ang
isang ‘hindi’ ng isang lalaki ay nangangahulugang ‘hindi’ at ito’y hindi
maaaring mabago. Lalaki ang bubuhay sa
isang pamilya at tagapagsupling upang mabuo ang isang pamilya at lipunan. Sa pulitikal na pagtingin ayon sa kasaysayan,
lalaki rin ang kilala na may nakahihigit na dami sa panunungkulan.
Sa
kultural na pagsipat, ang lalaki ay naaatas sa lalong mabibigat na gawain. Sa usaping pag- iibigan, lalaki ang
nagpapahayag ng paghanga, pag- ibig at sekswal na pagnanais. Ang ganitong konsepto sa pagkalalaki ay
napatunayan na sa panahon pa ng mga Kastila hanggang sa pagsisimula ng
pagdating ng mga Amerikano sa bansa. Ito
ang konteksto ng pagkalalaki na kinamulatan ng marami.
Hindi lahat
ng lalaki ay ‘lalaki’
Kung
ang mga konteksto ng pagkalalaki ay ibabatay sa mga kaisipang nabanggit, hindi
magiging makatwiran ang pagsipat sa kahulugan ng ‘pagkalalaki’. Hindi lahat ng lalaki ay ‘lalaki’. Isipin na lang na may mga ama na tinaguriang lalaki
dahil nakapagsupling ng labindalawang anak, nababalitaan din sa mga pahayagan
at telebisyon na may mga amang umabuso sa kanyang anak na babai, o kaya ay lalaking
nambugbog ng kanyang asawa, ina o kapatid na babai. Minsan, sumisikdo ang ating damdamin dahil
kagagalitan natin ang isang lalaki na sa kabila ng paghingi ng pagkain ng mga
nagugutom na anak ay higit pang bibigyang halaga ang pag- inom ng alak kasama
ang mga kapwa niya ‘lalaki’. Lalo tayong
nawawalan ng paghanga sa pagiging ‘lalaki’ ng isang lalaki dahil sa maraming
pagkakataon, may mga lalaking pumatay sa kanyang sariling anak, kapatid o
kaya’y magulang at mayroon ding mga lalaking nasangkot sa panggagahasa sa
sariling anak. Ito ay hindi sapat na
batayan ng pagiging lalaki.
Dis- ilusyon
ng pagkalalaki
Maliwanag ang sinasabi ng
palasak na sabing “Madali lang maging tao subalit mahirap magpakatao”. Ang
pagiging tao ay likas na ngunit kung paano makisalamuha nang maayos sa kapwa ay
sadyang napakahirap gawin. Kung
lalapatan ng ibang konteksto ang palasak na sabing nabanggit ayon sa konseptong
sosyal (panlipunan) ng ‘pagkalalaki’, ganito ang magiging daloy sa pahayag:
“Madali lamang maging lalaki, ang mahirap ay magpakalalaki.”
Nasusukat ba ang
pagkalalaki? O mayroon bang batayan ang
pagiging lalaki?
Madaling sagutin ang dalawang tanong
na ito. Maaari lamang sabihin ang mga
bayolohikal na katangian ng isang tao at tiyak na itong masasagot.
Tayo
ay nabubulag sa pagsipat ng kahulugan ng ‘pagkalalaki’. May dis- ilusyong nagaganap sa pagdalumat sa
panukatan ng pagiging lalaki. Hindi
pisikal na katawan ang sukatan ng pagiging ‘lalaki’. Kung lahat ng tao sa mundo ay may genital na panlalaki napakadaling
sabihin na siya’y lalaki. Lalong hindi
nasusukat ang pagkalalaki sa bilang ng naging kasintahan sapagkat hindi naman
lahat ng may panlalaking genital ay
may kasintahan. Minsan iniuugnay din ang
pagkalalaki sa bilang ng babaing pinaasa, pinaiyak at nabuntis – maling sukatan
ng pagiging lalaki. Ang mga action star na nakikipagsuntukan,
nakikipagbarilan o kaya ay nakikipagkarerahan ay mga lalaki, ngunit ang gilas,
tikas at pagiging agresibo ay hindi nangangahulugan at kailanma’y hindi dapat
isipin na sukatan ng pagkalalaki.
Sa
kabilang dako, may mga lalaki na ang sekswalidad ay nakikita bilang isang ‘babai’. Tinukoy ito ni Abbas et al (2015) na
bisekswalismo. Sinabi niya na ang bisekswalismo
ay ang oryentasyong sekswal ng isang lalaki.
Maaaring ang hubog, ugali, pananalita, mental at sikolohikal na
katangian ay nakikitang lalaki. Ngunit
sa oryentasyong sekswal lalaki rin ang
nais maging kapareha.
Marami
ng kaso ang ganito sa bansa, laganap ang dis- ilusyon ng pagkalalaki sapagkat
ang tuon ng lipunan ay ang sekswal na oryentasyon ng isang lalaki. Ang lipunan ay tumitingin sa papel na
ginagampanan lamang ng lalaki, nalilito ang lipunan dahil sa gender role
conflict. Naka- stereo type ang tingin ng lipunan sa kultural, pulitikal at
sikolohikal na katangian ng lalaki.
Machismo ang
tunay na pagkalalaki
May
mga bisekswal na higit pang ‘lalaki’ kaysa sa kinikilala ng lipunan at
tradisyon na lalaking gumaganap sa papel ng pagiging ‘tunay’ na lalaki. Naipakita ng mga bisekswal ang kalambutan ng
puso ngunit may matatag na paninindigan.
Maawain sa marami ngunit may
malakas na pagtitiwala sa kapwa.
Mayroon
ding mga lalaki na ang pisikal na hubog ay hindi iyong kinilalang may malaking
katawan at malakas, ngunit naitaguyod nang maayos ang pamilya. May mga lalaking hindi nakapag- aral at hindi
maging pinuno ng isang lugar o kaya ng isang bansa, ngunit naipakita ang
responsibilidad sa sarili, sa pamilya at sa kanyang kapwa. May mga lalaking hindi makapagsalita sa harap
ng galit na asawa ngunit naging matapat sa kanyang mga salita. Maraming lalaking pinagtawanan sapagkat
hindi sumama sa barkada ng ‘kalalakihan’ ngunit naipagmalaki dahil sa
pagpapakita ng wagas na pagmamahal sa pamilya maging sa kanyang kapwa.
Machismo,
ito ang tunay na pagkalalaki. Ang
machismo ay ang pagkakaroon ng paninindigan, reponsibilidad, katapatan,
pagmamahal sa sarili, pamilya at kapwa.
Ang machismo ay walang kinikilalang kasarian. Ang machismo at ang pagiging lalaki ay walang
basehan sa purong sosyolohikal, pulitikal, kultural at sikolohikal na konsepto
kundi sa kontekstong etikal.
May dis- ilusyon ng pagkalalaki
at walang halaga ang pagiging lalaki kung ang konteksto ng lipunan ay ang
pisikal at sekswal na aspeto lamang. Maging
marunong tayo sa pagsipat ng machismo at huwag mabulag sa maling pagsipat ng
pagkalalaki sa kontekstong sosyal.
Sangunian:
Abbas,
B. et al. (2015) Pagkabarako: sikollohiya ng pagkalalaki.
Bartle, P. (2013)
Pamamaraan sa pangkasariang istratehiya.
Retrieved October 19,
2016 http://cec.vcn.bc.ca/mpfc/modules
Santos, A. (2013). Ang pagiging lalaki. Retrieved October 19, 2016 https://emrefendor.wordpress.com
We
Were Here (2011) Retrieved October 20, 2016
www.wattpad.com
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento