KABANATA
1
Introduksyon
Ang
panitikan ay kaakibat na ng ating buhay. Araw- araw tayong bumabasa at sumusulat. Minsan naman ay nanonood tayo ng mga pelikula
o mga palatuntunan sa entablado. Ang mga
ito ay bahagi na ng ating buhay. Ayon
kay Lorenzana (2005), ang panitikan ay salamin ng kultura ng pangkat na
nagmamay-ari ng mga akda. Sa mga akdang pampanitikan nakikita ang mga
sitwasyong nagpapakita ng tunay na kaganapan sa buhay. Minsan, ang mga
pangyayari sa akda ay kinuha mula sa mga tunay na pangyayari sa buhay at kung
minsan, ang tao na rin ang lumilikha ng mga pangyayaring tinatalakay sa akda
bilang pagpapaliwanag ng mga bagay-bagay at pangyayaring mahirap maunawaan o
tanggapin kaya. Ang panitikan ay yaong walang kamatayan, yaong nagpapahayag ng
damdamin ng tao bilang ganti niya o reaksyon sa kanyang pang- araw- araw na
pagsusumikap upang mabuhay at lumigaya sa kanyang kapaligiran at gayundin sa
kanyang pagsusumikap na makita ang Maykapal. Binanggit ni Dinglasan (2004) na
ang panitikan ay maayos at makabuluhang pagpapahayag ng damdamin at paniniwala
ng tao, pasalita man o pasulat hinggil sa mga bagay-bagay na may kaugnayan sa
kanyang sarili o sa pakikitungo sa kapwa .
Sa aklat na
Panitikang Filipino nina Salazar
(1995), tinalakay na ang
panitikan ay ang kasaysayan ng kaluluwa ng mga mamamayan. Dito nasasalamin ang
mga layunin, damdamin, panaginip, pag-asa, hinaing at guniguni ng mga
mamamayan. Ang mga ito’y nasusulat o
binabanggit sa maganda, makulay, makahulugan, matalinghaga at masining na
pahayag. Hindi lamang lumilinang ng nasyonalismo ang panitikan kundi ito rin
ang nag-iingat ng mga karanasan, tradisyon at mga mithiin ng bawat indibidwal.
Hinuhubog sa panitikan ang kagandahan ng kultura ng bawat lipunan.
Malaki ang nagawang
impluwensiya ng panitikan sa kasaysayan ng daigdig ayon kay Salazar. Ito ay may
dalang mahahalagang impluwensiya sa buhay, kaisipan at ugali ng tao sa dalawang kalagayan. Ang una ay nagpapaliwanag
ito sa kahulugan ng kalinangan at kabihasnan ng lahing pinanggalingan ng
panitikan; at ikalawa ay nagiging dahilan ito upang paglapitin ang mga damdamin
at kaisipan ng mga tao sa sandaigdigan at sila’y nagkakaunawaan at
nagkakatulungan.
May
dalawang anyo ang panitikan, ang tuluyan
at patula. Ang tuluyan ay mga akdang nasusulat sa karaniwang takbo
ng mga pangungusap samantalang ang patula ay mga akdang nasusulat sa paraang
may sukat o bilang ng mga pantig, tugma at aliw-iw. Ang bawat anyo ay may iba’t ibang uri na maaaring
mapaghalawan ng mga pagpapahalagang pantao at pangmoralidad. Ayon kina Rubin
(2005), ang tuluyang anyo ng panitikan ay nagpapahayag ng mga salitang
isinasaayos sa mga talata. Kabilang sa tuluyan ang mga alamat, pabula, dagli,
dula, salaysay, maikling kwento, nobela atbp. Samantalang ang patulang anyo ay
nagpapahayag sa pamamagitan ng salitang isinasaayos sa mga taludtod. Kabilang
sa tula ang mga liriko o pandamdamin kasama na ang mga awit, kurido, soneto,
oda dasal at atbp.
Ang mga
salawikain ay pasalitang panitikan na nasulat sa anyong patula. Ang salaikain ay mga sinauna o katutubong
anyo ng mga patulang anyo ng panitikan. Ayon kina Sauco (2004), ang mga
salawikain ay mga butil ng karunungang hango sa karanasan ng matatanda,
nagbibigay ng mabubuting payo tungkol sa kagandahang asal at mga paalala
tungkol sa batas ng mga kaugalian. Patalinghaga ang mga nilalaman ng mga ito at
pasalin-salin sa bibig ng mga tao.
May
mga katutubong salawikain mula sa iba-ibang katutubong pangkat sa
Pilipinas. Dahil dito hindi lahat ng mga
salawikain ay nauuanawaan ng mga tagabasa at sanhi nito ay maaring magkaroon ng
suliranin sa pagpapaunawa ng kahulugan ng mga ito kung ang mga nabanggit na
salawikain ay nasusulat sa iba- ibang lenggwahe. Kaya naman, kailangang maisalin ang mga
salawikain upang higit na maunawaan ang mga ito.
Ayon kay Santiago (1976), ang pagsasaling-
wika ay ang paglilipat ng mensahe mula sa isang wika tungo sa ibang wika ay
maari ring ituring na isang syentipiko o maka-agham na paglalarawan. Ito ay isang
kakayahang dapat malinang sa bawat indibidwal lalo na sa mga mag- aaral. Sa pamagitan nito higit na maipararating ang
mga ideya, saloobin o damdamin hinggil sa isang paksa o isyu.
May
dalawang uri ng salin - literal at malaya. Ayon kina Batnag at Petras (2009), ang literal
na pagsasalin ay ang pagtutumbas ng orihinal na wika sa pinakamalapit na
istrukturang gramatikal ng tagatanggap na wika. Samantala, ang malayang
pagsasalin naman ay ang pagsasalin na may partikular na pag- unawa sa mensahe
at isinasalin na wika.
Ang pagsasaling-
wika ay kinasasangkutan ng dalawang magkaibang wika. Source language ang tawag sa wikang
isinanasalin. Target language naman ang
tawag sa wikang pinagsasalinan. Kung ang
mga katutubong salawikain ay malilikom at maisasalin nang mahusay, ang mga ito ay lubos na mauunawaan ng higit na
nakararami at lubos na mapapahalagahan ang mga ito.
Bagamat hindi
rin sapat na ang mga salawikain ay maisalin lamang upang maunawaan. Higit na
mahalaga na masuri ang mga nilalaman nito dahil isang napakahalagang layunin ng
panitikan ang maikintal ang mga kahalagahang pantao ng mga ito lalo na sa
aspektong pang moralidad. Kaya, nararapat lamang na masuri rin ang mga
katutubong salawikain sa moralistikong dulog.
Ayon
kay Shandy (2007), ang dulog moralistiko ay naglalahad ng iba’t ibang pamantayang
sumusukat sa moralidad ng isang tao – ang pamantayan ng tama at mali.
Inilalahad din nito ang mga pilosopiya o proposisyong nagsasaad sa pagkatama o
kamalian ng isang kilos o ugali ayon sa pamantayang itinakda ng lipunan. Sa madaling
sabi, ang moralidad ay napagkakasunduan ayon na rin sa kaantasan nito.
Binanggit
din ni Belvez (2000), na hindi sapat na maipakita at mapatunayan kung bakit at
paano naging masining at malikhain ang isang akda kundi, higit na kailangang
ipakita ang pamantayang moral na nakapaloob sa akdang sinusuri. Idinagdag pa
niya na sa ganitong pagdulog, ang panitikan ay pinag- aaralan at ginagamit
bilang instrumento ng pagbabago ng tao at maging ng lipunan. Binibigyang- diin
sa pagdulog na ito ang layuning dakilain at pahalagahan ang kabutihan at
itakwil ang kasamaan.
Sa
liwanag ng mga inilahad, nararapat lamang na pagtuunana ng pag-aaral ay
pananaliksik ang mga iba’t ibang salawikain sa iba’t ibang pangkat sa pilipinas
upang higit nating maunawaan ang bawat isa.
Ang panitikan,
pagsasalin at pagsusuri ay mga larangan ng kaalaman na magkakaugnay- ugnay at
nararapat pag- aralan.
PAGLALAHAD
NG SULIRANIN
Isinasagawa
ang pag-aaral na ito upang sagutin ang mga sumusunod na tanong.
1. Anu-ano
ang mga salawikain ng mga katutubong Ilokano sa Barangay Bascaran, Solano, Nueva
Vizcaya?
2. Anu-ano
ang mga salin ng mga salawikaing Iloko sa Filipino?
3. Ano
ang mga pagpapahalagang pangkatauhan at pangmoralidad na nakapaloob sa mga salawikain?
KAHALAGAHAN
NG PAG-AARAL
Ang
paglikom, pagsasalin at pagsusuri ng mga salawikaing Iloko ay nararapat
pagtuunan ng pansin sa pananaliksik at pag-aaral dahil sa kahalagahan nito sa
mga sumusunod:
Mga mag-aaral sa
sekondarya at tersyarya. Sa pamamagitan ng pag-aaral na ito magkaroon sila ng kaalaman tungkol sa
salawikaing Iloko ng mga Ilokano sa
Barangay Bascaran. Mapapalawak at mapapalalim ang paglinang ng kanilang
karakter bilang indibidwal.
Mga
guro, lalo na ang mga gurong nagtuturo ng panitikan dahil ang mga salawikaing
Iloko na nasuri sa paraang moralistiko ay makatutulong din sa kanilang
pagtuturo ng pagpapahalagang pantao. Maipakikilala, mapalalawak o mapagyayaman
nito ang kaisipan at karakter ng mga
mag-aaral sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga sariling salawikain.
Mga
mananaliksik, dahil ang mga malilikom na datos tungkol sa mga salawikaing Iloko
ng Barangay Bascaran na masusuri sa paraang moralistiko ay makatutulong upang
lalo pang mapayaman at mapalawak. Sa
pamamagitan nito ay mas marami pang mga mananaliksik ang makapagpapatuloy upang
pag- aralan ang mga salawikain.
SAKLAW
AT LIMITASYON NG PAG-AARAL
Saklaw
ng pag- aaral na ito ang pagtukoy sa mga salawikain ng mga katutubong Ilokano
edad 60- 80 na nakatira sa Brgy. Bascaran, Solano, Nueva Vizcaya. Ang mga
katutubong nabanggit ay iyong mga tumira sa nasabing lugar ng lima (5) o higit
pang taon. Saklaw din nito ang pagsasalin ng salawikain mula sa wikang Iloko
(source language) tungo sa Filipino (target language). Susuriin din ang mga salawikaing naisalin
upang matukoy ang mga pagpapahalagang moral na nakapaloob sa mga salawikain. Kabilang
ang anim (6) na purok sa Brgy. Bascaran, Solano, Nueva Vizcaya.
Isasagawa
ng mga mananaliksik ang pagsasalin ng mga salawikain gamit ang literal, Malaya
o idyomatikong pamamaraan ng pagsasalin. Ibabatay ng mga mananaliksik ang
pagsasalin sa pagpapaliwanag na gagawin ng mga impormante sa kanilang
salawikain.
BALANGKAS KONSEPTWAL
Ang pag-aaral ng
panitikan ay bahagi na ng kurikulum na dapat sundin. Ginagamit ang balangkas
konseptwal upang lalong maintindihan o mapagsususunod-sunod ang mga gagawin.

KAHULUGAN NG MGA
KATAWAGAN
Ang
mga sumusunod na salitang ginamit sa papel na ito ay binigyang- kahulugan para
sa ikalilinaw ng pag- aaral:
Panitikan.
Ito’y pagpapahayag ng damdamin at kaisipan ng isang tao sa lipunan, sa
pamahalaan, sa kapaligiran, sa kapwa at
maging sa Dakilang Lumikha (Santiago, 1980).
Mga kalipunan ng mga nasulat na akda. Maaaring Tuluyan
o Patula.
Tuluyan.
Ito ay naisulat sa karaniwang daloy ng pangungusap.
Patula. Ito ay nasusulat sa paraang may sukat o
bilang ng mga pantig, tugma at aliw-iw.
Salawikain.
Mula sa mha pasalitang panitikan sa anyong patula. Ito ay mga bibig na
nagsasaad ng matandang kaugalian,asal at gawi ng pinagtanungan.
Pagsasaling- wika. Ito’y paglilipat sa pinagsasalinang wika ng pinakamalapit na katumbas
ng diwa o mensaheng isinasaad sa wikang sinasalin (Santiago, 1997).
Ito’y paglilipat ng isang nakasulat na mensahe mula sa isang wika tungo
sa ibang wika (Newmark, 1988).
Pagsasalin ng pinakamalapit na kahulugan ng mga
salawikain mula sa wikang Iloko (source language) sa wikang Filipino (batay sa
Tagalog, target language).
Malayang Pagsasalin. Pagsasalin na may particular na pag-unawa sa mensahe at isinasaling
wika. Binabago ang pang- ibabaw na katangianng pahayag at pinananatili lamang
ang mas malalim na lebel ng kahulugan.
Literal na Pagsasalin. Pagtutumbas ng orihinal na wika sa painakamalapit na
istrakturang gramatikal at tagatanggap na wika.
Pagsusuring Moralistiko. Teoryang pampanitikan na ang sinusuri ay nakatuon
sa kaasalan, kaisipan at damdamin ng mga tao.
Iloko. Ang
lenggwahe ng mga katutubong Ilokano.
Ilokano.
Tawag sa mga katutubong nakatira sa Bascaran.
Target Language.
Tawag sa wikang pinagsalinan.
Source
Language. Tawag sa wikang isinasalin.
Kaasalan.
Nakapokus lamang sa Asal.